Napakalungkot ko ng araw na yon, umalis ako ng Branch namin dahil kailangan kong suriin muli ang mga transaksyon ko kahapon. Bakit ako nagkulang ng mahigit siyam na libo sa aking kaha... ayoko magbayad, wala akong pambayad. Saan kaya ako nagkamali?.. ayan ang mga bagay na gumugulo sa aking isipan habang nakasakay ako sa jeep patungo sa opisina na kung saan dinadala ang mga dokumento ng mga tagaBranch. Mabait akong sinalubong ng isang empleyado doon at pinakita sa akin ang aking mga transaksyon. Isa isa kong sinuri at inalala ang mga slip at sa awa ng Maykapal ay nakita ko ang aking pagkakamali.. kasabay nito ang malaking pagbabago na magaganap sa buhay ko. Dito nagsimula ang pangarap kong makapagtrabaho sa abroad at magkaroon ng magandang buhay para sa aking mga magulang, kapatid at higit sa lahat sa aking nag-iisang anak. Salamat sa isang empleyado na ng bigay sa akin ng dyaryo at nagsabi sa akin na subukan apply-an ang trabahong nakasulat doon. Maraming salamat.
Ako ay isang simple empleyado ng kilalang bangko sa Pilipinas noon. Isang taong lubos na nagmahal, nagtiis, naghintay at nasawi sa pag-ibig. Bumangon ng taas noo at puno ng determinasyong buhaying mag-isa ang anak ng babae na tila kinalimutan ng kanyang ama. Ang nag-iisang lalaking minahal ko at pinakasalan ko na nakalimot na may pamilya pala syang iniwan sa Pilipinas at sumama sa ibang babae na parang walang obligasyon, walang lingon lingon, na akala mo ay kasintahan lang na pwede kayong magkahiwalay, na lilipas din yan.... pero nag iwan ng malaking sugat, na ngayon ay masasabi kong hilom na at tila peklat na lamang sa aking puso, nandiyan siya nakamarka subalit hindi mo na maramdaman ang sakit. Unti unti ng nahilom ng panahon.
Dito sa Gitnang silangan napadpad ang aking pakikipagsapalaran. Naalala ko pa nang unang beses ko tutungo dito, nabalot ng sobrang lungkot at takot ang aking buong katauhan,.. lungkot dahil iiwan ko ang aking anak na noong mga panahong iyon ay isang taong gulang pa lamang, takot dahil hindi ko alam ang mga magaganap sa aking buhay pagdating ko sa bansang hindi ko nakasanayan. Mabigat ang bawat hakbang ng aking paa patungo sa Airport, subalit kailangan kong labanan upang matupad ang aking mga pangarap.
Dito ko naranasan ang sobrang kalungkutan, noong unang mga buwan ko dito ay nakatira kami, kasama ko ang isa ring pilipina na sa parehong kumpanya, sa isang maliit na kuwartong paupahan ng kapwa pilipino. Maaga akong nakakauwi kaya pagdating ko sa bahay ay ako palamang mag-isa sa halos buong bahay. Nang mga panahong iyon ay wala pa akong laptop, cellphone lamang ang hawak ko, wala kaming TV sa kwarto.Noong unang araw ko, Iyak ako ng iyak... wala akong makausap, binuksan ko ang radyo sa cellphone ko at naghanap ng mapapakinggan, puro arabic ang naririnig ko, biglang may malakas na boses akong narinig na tila kumakanta ng arabic, napakalapit pala namin sa mosque. Ayun pala ay paraan nila para paalalahanan ang mga tao na maghanda na sa pagdadasal. Napakahirap, sobra ang pagkakaiba ng kultura nating mga filipino dito sa gitnang silangan.
Sa tulong ng aking mga kaibigan at kasama sa trabaho ay unti unti na akong nasanay at naging panatag dito sa ibang bansa. Natutunan ko ng makisama at intindihin ang mga ugali ng ibang lahi. Naging madali para sa akin dahil mababait ang mga kasama ko sa trabahong mga filipino at ibang lahi din. Sa ngayon ay maglilimang taon na ako dito. Kasama ko na rin ang aking anak at sabay kaming lumalaban at nakikipagsapalaran dito sa abroad. Mahirap din para sa amin dahil dalawa lamang kami dito at malayo sa pamilya pero lagi kong sinasabi sa kanya na kailangan naming magtiyaga upang makaipon at magkaroon ng magandang buhay sa pilipinas. Nag-iipon din kami para sa pangkolehiyo nya, upang sa aking pagtanda, magiging panatag ako na mayroon kaming pangbayad ng patuloy na lumalaking bayarin sa matrikula.
Samahan nyo ako at ang aking anak sa pakikipagsapalaran dito sa abroad at kung paanong mamuhay ng simple at masaya.
smile :)